Skip to content

2nd Bicol IP Day

Pagdiriwang ng National and International Day of the World’s Indigenous Peoples

Noong nakaraang Agosto 8, 2025, ipinagdiwang ng Department of Agriculture Regional Office 5 ang 2nd DA Bicol IP Day bilang pagpapatupad sa Resolution No. 09, series of 2024 ng Regional Agri-Fishery Council (RAFC) Bicol na nagrerekomendang gawing taunang pagdiriwang ang Indigenous Peoples (IP) Farmers & Fishers Day tuwing ika-9 ng Agosto. Ito ay kaugnay ng National and International Day of the World’s Indigenous Peoples na may temang “Indigenous Peoples and AI: Defending Rights, Shaping Future.”

Dinaluhan ito ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang tribal communities ng Camarines Sur na mga benepisyaryo ng 4K Program. Naging masaya at kapaki-pakinabang ang programa, puno ng kaalaman at inspirasyon para sa lahat ng lumahok.

Ibinahagi ni G. Bryan M. Oro ang kahulugan ng Artificial Intelligence (AI), mga gamit nito, at epekto sa tao at kapaligiran. Sinundan ito ni G. John Elbert A. Memita na nagbigay ng mas malalim na pananaw sa epekto ng AI sa kultura ng ating mga katutubo.

Nagbahagi rin ng praktikal na kaalaman si G. David De Joya, tulad ng marketing tips at pag-alam sa production cost. Nangalap din siya ng impormasyon tungkol sa mga pangunahing produkto ng bawat komunidad upang mailink sa tamang merkado.

Si G. Jomarie Leo Florece naman ay nagpakilala ng Top 555 Program — isang oportunidad para sa ating mga katutubo na makapagbenta ng mga madaling tumubong halaman gaya ng malunggay, lemongrass, at cassava.

Nagbigay din si Bb. Rizza Exala ng impormasyon tungkol sa mga loan programs ng Camarines Sur Multi-Purpose Cooperative, kung saan maaaring mangutang nang walang interes bilang dagdag suporta sa kanilang sakahan.

Sa kabuuan, naging matagumpay ang selebrasyon—punô ng kasiyahan, bagong kaalaman, at mga pagkakataong makakatulong sa pag-unlad ng kabuhayan at kultura ng ating mga katutubo.